DAVAO CITY – Inihayag ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) 1st Vice Chairman Ghazali Jaafar na hindi pa napapasok ng international terror group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang Mindanao ngunit nilinaw na naiinip na ang mga lokal na grupo ng terorista sa bansa tungkol sa magiging estado ng Bangsamoro.

Sa paggunita sa 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) sa Waterfront Insular Hotel sa Davao City nitong Miyerkules, sinabi ni Jaafar na batid niyang may lima hanggang anim na grupo ng terorista na kumikilos sa Mindanao, kabilang ang Maute Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at Abu Sayyaf, ngunit walang isa man sa mga ito ang kinikilalang kaalyado ng ISIS.

Sinabi ni Jaafar, chairman ng may 21 miyembro na Bangsamoro Transition Commission, na posibleng makapasok ang ISIS sa Mindanao, dahil mangangailangan ng suporta ang mga lokal na teroristang grupo para sa kani-kanilang operasyon.

Itinalaga ang BTC na buuin ang isang bagong batas na magpapatupad sa CAB.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“I believe this Maute, BIFF, at ‘yung iba pang grupo, hindi mga ISIS ito. I guarantee you. But papasok ‘yan dito (Mindanao) sapagkat ‘yung mga ito naghahanap ‘yan sila ng finance. This is a reality of the situation, dapat tanggapin natin ito,” sabi ni Jaafar.

Aniya, hindi naglalaban ang mga tropa ng militar at ng MILF dahil sa umiiral na bilateral ceasefire, ngunit patuloy ang paglalaban ng mga grupo sa Mindanao.

“But the guns of the ASG and the guns of the BIFF and the Maute are continuously fighting and there is no guarantee to stop these unless there is BBL (Bangsamoro Basic Law), na tanggapin nila sapagkat kung ang Bangsamoro Basic Law, na ipapasa ng Congress ay hindi nila tanggapin, I doubt,” ani Jaafar. (Antonio L. Colina IV)