PANDI, Bulacan – “Hindi kami natatakot, at hinding-hindi kami aalis!”

Ito ang mariing sigaw kahapon ng nasa 6,000 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na isang linggo nang umookupa sa mga bakanteng pabahay ng gobyerno habang hinihintay ang eviction notice mula sa mga opisyal ng National Housing Authority (NHA).

Bago pa man sumikat ang araw ay nagbarikada na ang grupong Kadamay sa paligid ng Pandi Residence-3 Atlantika housing project laban sa mga magsisilbi ng eviction notice.

Kasabay nito, napaulat na nagkakasakit na ang mga sanggol at batang kasama ng mga umookupa sa mga pabahay dahil sa pagkakalantad ng mga ito sa matinding sikat ng araw sa maghapon, at matinding ginaw naman sa gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, nag-rally rin ang nasa 200 miyembro ng Kadamay sa harapan ng NHA Central Office, kasama ang iba pang urban poor group sa Metro Manila, upang hilingin na ibigay na lang umano sa mahihirap na pamilya sa Bulacan ang matagal nang nakatiwangwang na socialized-housing project doon.

Kaugnay nito, tinututulan din ng mga residente ng San Roque 1 at 2 at ng SRVA ang plano umano ng Quezon City government at ng NHA na road widening sa kanilang lugar na sakop ng North Triangle, Barangay Bagong Pag-Asa, dahil ito na umano ang magiging hudyat ng “malawakang demolisyon ng kabahayan sa lugar.”

(Freddie C. Velez at Rommel P. Tabbad)