Hinamon kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa si Vice President Leni Robredo na magpakita ng katibayan sa tinatawag na ‘palit-ulo’ modus operandi sa kampanya laban sa droga.
Itinanggi ni Dela Rosa na nagaganap ang ganitong pamamaraan na kinukuha ang kamag-anak ng huhulihing drug pushers at users kapag hindi naabutan sa bahay ang suspek.
“I deny the palit-ulo version that the Vice President has been saying. If there is any, I have yet to receive the complaint about that,” sabi ni Dela Rosa.
Upang maipakita na seryoso siyang maparusahan ang mga nagkakamaling pulis na gumagawa ng naturang pamamaraan, hinamon pa ng ng PNP chief ang Bise Presidente na personal na iharap sa kanya ang kahit na isang pulis na gumawa nito.
“Present that policeman to me and I will punch him in the face right in front of you. I will not tolerate that,” sabi ni dela Rosa.
Sinabi ni Robredo ang alegasyon sa naturang palit-ulo ay batay sa ulat na kanyang natanggap mula sa mga nakaranas ng naturang operasyon ng pulis.
IBANG BERSIYON
Bagamat aminadong wala siyang nalalaman hinggil sa bersiyon ni Robedo ng palit-ulo modus, sinabi ni Dela Rosa na ang alam niya ay ibang paraan ng palit-ulo, na ang hinuling drug pushers o users ay inuudyukang isuplong ang pangalan ng kanilang supplier upang mapagaan ang kanilang kasalanan.
“And that is legal. It is under the law,” sabi ni dela Rosa, at idinagdag na hindi lang pulis ang gumagawa nito kundi maging ang iba pang drug enforcement agencies o units.
Itinanggi rin ni Dela Rosa ang sinabi ng kampo ni Robredo na nagpadala sila ng sulat sa PNP upang paimbestigahan ang palit-ulo scheme. (Aaron B. Recuenco)