PORMAL na magbubukas ngayon ang ika-10 edisyon ng National Basketball Training Center (NBTC) League National High School Championships sa pagtataguyod ng SM sa MOA Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang aksiyon ganap na 8:00 ng umaga sa pamamagitan ng dalawang magkasunod na laro sa Division 2 finals bago ang opening rites na idaraos sa 11:00 ng umaga.
Pagkatapos ng maikling seremonya, magsisimula na rin ang Division 1 finals kung saan may kalahok na apat na foreign teams na kinabibilangan ng Fil-Am Sports-USA, Crossover Sports -Canada, Camp David-New Zealand at AusPinoy One Solutions ng Australia.
Makakasagupa nila ang apat na local qualifiers na kinabibilangan ng UAAP champion Far Eastern University -Diliman, 8th edition champion Sacred Heart School-Ateneo de Cebu , dating kampeong San Beda College at NCAA titlist Mapua -Malayan Science High School.
Sa apat na foreign team, hindi masasalang sa unang araw ang Team USA na kinabukasan pa sasabak sa ikalawang laro ganap na 9:30 ng umaga kontra San Beda.
Mabigat naman ang nakaatas sa SHS-Ateneo de Cebu dahil dalawang beses silang maglalaro, una kontra Team Australia ganap na 11:30 ng umaga at sa huling laro kontra San Beda ganap na 7:00 ng gabi.
Magtutuos naman ang Baby Tamaraws at Team New Zealand ganap na 2:30 ng hapon kasunod ng ikatlong laro sa Division 2 sa pagitan ng La Salle-Lipa at Isabela Colleges of Cauayan ganap na 1:00 ng hapon.
Makakatunggali ng Red Robins ang Team Canada ganap na 5:30 ng hapon pagkatapos ng ika-4 na laro sa Division 2 sa pagitan ng University of St. La Salle -Bacolod at Langatian National High School -Dipolog ganap na 4:00 ng hapon.
Ayon kay NBTC program director coach Eric Altamirano, maglalaban-laban ang lahat ng koponan sa kani-kanilang dibisyon sa single round eliminations kung saan ang mangungunang apat na koponan ay uusad sa semifinals sa Miyerkules-Marso 15 para sa karapatang makatuntong ng kampeonato kinabukasan na gaganapin ng 2:00 ng hapon para sa Division 1 at 4:00 naman para sa Division 2 pagkatapos ng All-Star Games. (Marivic Awitan)