VILMA copy

MULING umaani ng paghanga si Lipa City Congressman Vilma Santos-Recto na sa kabila ng sobrang pressure ay nanindigan pa ring bumoto ng “no” sa death penalty bill.

Hindi nahimok at walang nagawa ang mga kasamahang kongresista na nasa administrasyon at talagang sinunod pa rin ni Ate Vi ang kanyang konsensiya.

Isa si Cong. Vi sa 54 na kongresistang sumalungat sa pagbabalik ng death penalty na ikinatuwa ng kanyang mga tagahanga at supporters. Bagamat natalo pa rin ang grupo ni Ate Vi at naipasa sa third and final reading sa plenaryo ang kontrobersiyal na death penalty bill dahil 217 na mambabatas ang bumoto pabor dito.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nagpadala agad kami ng text messages kay Ate Vi, binati sa kanyang paninindigan, at binanggit ang pasasalamat ng mga kasamahan namin sa simbahan na sa katunayan ay may mga naluha pa nga nang banggitin niya ang, “Mr. Speaker, my vote is no.”

Ayon kay Ate Vi, nakakatulong ng malaki sa desiyon niya ang mga opinyong nakuha niya mula sa mga kababayan, lalung-lalo na ang constituents niya sa Lipa. Karamihan sa mga nakausap niya ay hindi pabor na maibalik ang death penalty.

“Alam mo rin naman na pati sa Facebook, eh, nagpa-survey tayo at tinanong ko pa rin ang mga kababayan ko tungkol sa pagsasabatas ng death penalty. On their behalf, I say an adamant no to the re-imposition of death penalty,” sey ng butihing maybahay ni Sen. Ralph Recto.

Dagdag pa ng premyadong actress/public servant, naiintindihan niya kung ano ang magiging kapalit sa boto niyang iyon pero wala siyang magawa kundi sundin ang dikta ng kanyang puso at konsensiya.

“Alam ko ang magiging consequences of not supporting this bill, but in the question of life and death, our conscience prevails. Life is simply not ours to take. Naniniwala ako sa hustisya. Ang mga nagkasala, eh, nararapat na patawan ng parusa, karampatan na nasasaad sa batas.

“But I also believe that everyone has the right to become productive members of society. Everbody deserves a chance to correct their mistakes,” paliwanag ni Cong. Vi.

Siyempre, dahil sa no vote ni Ate Vi sa death penalty, malamang na matanggal siya bilang chairman ng Civil Service and Professional Regulation Committee. Pero tanggap na raw niya agad ito.

Samantala, isa si Ate Vi sa mga bubuo ng 2017 Metro Manila Film Festival executive committee. Makakasama niya sina Sen. Grace Poe, Mayor Lani Cayetano, Film Development Council of the Philippines Chairperson Liza Diño, Wilson Tieng, Jesse Ejercito, Boots Anson Roa, at iba pa. (JIMI ESCALA)