IPINAHAYAG noong Enero 30, 2017 ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), na suspendido o tigil muna ang giyera kontra ilegal na droga at ang pagbuwag sa PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) upang bigyang-daan at pansin ang internal cleansing sa hanay ng mga pulis dahil sa pagkakasangkot ng mga tiwaling pulis sa iba’t ibang krimen.

Nagamit ng mga bugok at tiwaling pulis ang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel at pinangalanang Tokhang for Ransom o ang pagdukot sa mga foreign national na hiningan ng milyong pisong ransom.

Isang halimbawa ang negosyanteng Koreano. Dinukot ng mga pulis na miyembro ng AIDG sa Angeles, Pampanga. Kahit nagbigay na ang misis ng Koreano ng P5 milyon, dinala ang negosyante sa Camp Crame at doon pinatay. Pina-cremate ang bangkay at ang mga abo ay ipinalulon sa toilet bowl. Ang dalawang tauhan ng AIDG na mga suspek ay nagturuan nang imbestigahan sa Senado.

Dahil sa nasabing pangyayari, binuwag ang AIDG. Pinalitan ng itinatag na Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF). Ang mga opisyal at miyembro nito ay nasisiguro raw na walang corrupt na pulis.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Biro nga ng isang Rizalenyo, sana, magkurap lang ng mata ang kanilang alam. Hinirang na maging pinuno ng PNP-CITF si Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, miyembro ng PMA ‘Makatao’ Class 1989. Sa kanyang pamumuno gagawin ang internal cleansing upang mawala ang mga tiwali o scalawag na mga pulis.

Marami sa atin ang natuwa sa gagawing internal cleansing sa PNP. May nagsabing napapanahon na sapagkat sa ginagawang katarantaduhan ng mga bugok na pulis tulad ng mga sangkot sa kidnapping, holdap, pangongotong, pagiging ninja cops, pagpatay at iba pang kagaguhan ay patuloy na nasisira ang imahe ng PNP.

Nawawalan ng tiwala ang ating mga kababayan sa pulis. Natatakot at nangingilag na rin sa pulis ang iba nating kababayan sapagkat baka sila ang susunod na mabiktima ng panghoholdap at kidnapping ng mga pulis na ang katinuan ay napunta sa talampakan.

Kung si Pangulong Duterte na nagsabing sagad sa buto ang pagiging corrupt ng mga pulis at napahiya siya sa ginawa sa Korean businessman, naglunsad ng giyera kontra droga, kailangan maglunsad ng PNP ng giyera kontra sa mga police scalawag. Dakpin at sampahan ng kaso. Kung napatunayang nagkasala ay tuluyang sipain sa tungkulin. Iwasan ang kalakaran sa PNP na ang mga police scalawag ay inililipat lamang sa ibang police station. Itinatapon sa Mindanao.

Tutol dito si Senate President Koko Pimentel. Ayaw niyang ang Mindanao ay maging tapunan ng mga police scalawag.

Matinong pulis ang ilipat sa Mindanao at kasuhan ang mga scalawag.

Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, dapat makulong ang mga tiwali sa PNP at hindi ang paglilipat lamang ng himpilan. Dapat umanong managot ang mga pulis sa anumang krimen na kanilang ginawa. Ayon pa sa Vice President, nagtatanong ngayon ang publiko kung sino pa ang dapat nilang pagkatiwalaan kung maging sa mga pulis ay natatakot na ang ating mga kababayan? (Clemen Bautista)