RANGON – Nagpakatatag si Pinoy golf star Miguel Tabuena sa huling ratsadahan para maitumpok ang ikatlong sunod na 69 at makisosyo sa ikatlong puwesto sa Asian Tour’s Myanmar Open nitong Linggo.

Tangan ng Philippine Open champion ang iskor na even-par matapos ang 13 hole bago humataw sa huling limang hole ng pamosong Pun Hlaing Golf Club para makamit ang US$38,500 (P1.9 milyon).

Nakamit ni Tabuena ang kabuuang 10-under 274 total, apat na stroke ang layo sa kampeon na si Todd Sinnott ng Australia, umiskor ng 65 para sa premyong US$135,000 (P6.7 milyon).

Nalaglag sa top 10 ang 22-anyos na si Tabuena sa kaagahan ng laro nang magtamo ng double-bogey sa par-3 No. 3 bago makaiskor ng birdie sa sumunod na hole.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pumangalawa si Carlos Pigem ng Spain sa iskor na 273 matapos ang final round 68, habang kasosyo ni Tabuena sina Koreans Sungjae IM at KT Kim, umiskor ng 65 at 71, ayon sa pagkakasunod.

Kumana si Juvic Pagunsan ng final-round 69 para sa 283 at sosyong ika-43 para sa premyong US$3,905, habang si Angelo Que ay tumapos sa ika-63.