BAHAGYANG nakahihinga na ngayon si Sen. Leila de Lima sa walang puknat na pagmumura, pang-iinsulto at panghihiya sa kanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ang napagtutuunan niya ng pagmumura ngayon ay ang Simbahang Katoliko, partikular ang mga pari at obispo, na pumupuna sa kanyang drug war na nagbubunga umano ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs).

Kung sa bawat okasyon noon ay laging binabanatan niya si De Lima, nitong huling mga araw ang napagtutuunan niya ng galit at pagmumura ay mga pari at obispo. Isang obispo ang partikular niyang tinukoy noong Martes sa harap ng mga pamilya ng napaslang na 44 Special Action Force (SAF) commando sa Malacañang. May dalawa raw asawa ang obispo tulad niya.

Muling inungkat ni Mano Digong ang nakahihiyang panghihingi raw ng mga obispo ng Pajero at iba pang SUV kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo noon. Sundot ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Bakit paulit-ulit niyang binabanggit ang pagbibigay ni GMA ng mga sasakyan sa mga obispo na ginagamit naman sa paglilingkod at kawanggawa sa mga mananampalataya, pagpunta sa mga lugar na malayo at bulubundukin? Isinauli naman ng mga obispo ang mga sasakyan sa gobyerno. Kung galit siya sa mga pari at obispo na mga corrupt daw, eh bakit okey para sa kanya si GMA na nakulong dahil sa bintang na kurapsiyon at nagbigay ng mga sasakyan? Ngayon ay kaalyado pa niya si GMA at kasama sa mga litrato”.

May nagpadala sa akin ng ganito: Pambansang Ekspresyon: PAGMUMURA. Pambansang Banta: PAPATAYIN KO KAYO. Pambansang Kaaway: ILEGAL NA DROGA. Pambansang Rubber Stamp: KONGRESO. Ang nagpadala ay isang Segismundo Filio. Talagang may kapilyuhan si Mr. Filio.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa naganap na trahedya na ikinasawi ng 44 na kasapi ng PNP-SAF noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao, ang sinisi ni Pres. Rody sa palpak na operasyon laban sa teroristang si Marwan, ay si ex-Pres. Noynoy Aquino. Sinisi rin niya si ex-PNP Chief Alan Purisima na siyang nangasiwa sa operasyon kahit siya ay suspendido. Hiling ng marami, ipakulong mo si Noynoy.

Sa harap ng mga pamilya ng SAF 44 commando, hindi raw sapat ang paghingi ng apology ng dating pangulo. Dapat daw sagutin ni Noynoy ang ilang katanungan tungkol sa counterterrorism operation na ikinasawi ng SAF 44.

Lilikha siya ng isang Truth Commission na binubuo ng mga mahistrado ng Supreme Court at ilang piling pribadong indibiduwal para magsagawa ng imbestigasyon at papanagutin ang mga pinuno na dapat managot sa kakila-kilabot na pagkamatay ng mga kasapi ng PNP-SAF.

Sa pag-upo ni Donald Trump sa trono ng White House, nangako siyang pipigilan ng US ang China sa patuloy na pag-okupa sa karagatan ng West Philippine Sea-South China Sea. Sinabi ni White House spokesman Sean Spicer na hindi matutulad ang administrasyong Trump sa Obama administration na nagbantulot sa pagharap at hamon ng China sa WPS-SCS. Hindi kumilos ang gobyerno ni Obama para harangin ang China sa konstruksiyon ng artificial islands na ngayon ay militarized na at puwedeng paglapagan ng malalaking eroplano mula sa Beijing.

“The US is going to make sure that we protect our interests there,” pahayag ni Spicer nang siya’y tanungin kung sang-ayon si Pres. Trump sa komento ni US State Sec. Tillerson na hindi papayagan ng US ang China na magamit ang itinayong artificial islands. Tanong ng mga Pinoy: Haharangin ba ng US ang mga barko at eroplano ng China o gigibain ni Uncle Sam ang mga isla ni XI Jinping doon? (Bert de Guzman)