Aabot sa P400,000 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam habang limang katao, kabilang ang dalawang teenager, ang naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Supt. April Mark Young, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 4, ang mga nahuling suspek na sina Agosto Cortez, alyas “Kiko”, Maribeth Albano, Melody Sudla, Bryan Ramos at Marvin Vitor na pawang residente ng Novaliches, Quezon City.
Habang nakatakas naman ang umano’y lider at supplier ng ilegal na droga na si Michael dela Cruz.
Sa report ni Young, dakong 5:00 ng madaling araw nang malambat ang limang suspek sa ikinasang operasyon sa isang bahay sa Block 4, Lot 9, Platinum Street, Millionaires Village, Novaliches.
Unang nakipagtransaksiyon kay Dela Cruz ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-QCPD-PS4 na nagpanggap na buyer ng shabu.
Matapos magkasundo, si Cortez umano ang nag-abot ng 15 gramo ng shabu sa poseur buyer at sa puntong ito, pinasok na ng mga pulis ang bahay na kinaroroonan ng mga suspek at naaktuhang bumabatak sina Albano, Sudla, Ramos, at Vitor.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa QCPD-PS4 at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (comprehensive dangerous drugs act of 2002) habang tinutugis naman si Dela Cruz. (Jun Fabon)