Dalawa na namang tulak ang natigok sa patuloy na anti–narcotics operation sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, commander ng Batasan Police Station 6, kinilala ang napatay na sina Junie Alcuena y Regala, 22, ng Leyte Extension, Area Barangay Payatas, Quezon City at alyas “Payat”, dayo sa lugar.

Ayon kay Patay, dakong 5:00 ng hapon kamakalawa isinagawa ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng QCPD-PS6 ang operasyon.

Bigla na lamang umanong nakatunog si Alcuena kaya bumunot ito ng baril subalit inunahan siyang magpaputok ng mga rumespondeng tauhan ng SAID na kanyang ikinasawi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Narekober sa pinangyarihan ang isang Colt M1911, caliber .45 baril, dalawang sachet ng shabu at P500 buy-bust money.

Una rito, dakong 3:00 ng hapon, ikinasa ng mga operatiba ng Batasan Police ang operasyon laban kay Payat sa Azucena Street Area A, Bgy. Payatas, Quezon City.

Matapos ang transaksiyon kay Payat ay agad umano itong pumalag nang malaman na pulis ang kanyang nakatransaksiyon hanggang sa sila’y magkabarilan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. (Jun Fabon)