DAVAO CITY - Inihayag ng Davao City Water District (DCWD) na kakailanganin pa nila ang isang buong taon upang masuplayan ng tubig ang 10,900 nangangailangan nito sa Cabantian at Indangan sa ikalawang distrito ng siyudad.

Sa konsultasyon sa mga residente nitong Sabado ng hapon, sinabi ni DCWD Spokesperson Bernardo Delima na sinisikap pa ng water utility na magdagdag ng dalawang pagkukunan ng tubig sa lugar, at target nilang maisakatuparan ito sa unang quarter ng 2018.

Inamin ni Delima na nabigo ang inisyal nilang paghahanap ng pagkukuhanan ng tubig kahit pa available na ang mga pasilidad, dahil na rin sa kakaunting supply.

Umaasa ang DCWD na maaaprubahan ang isang surface water project, sa tulong ng Apo Agua ng Aboitiz Equity Ventures, na layuning kumuha ng tubig sa matataas na lugar nang hindi gumagamit ng pump.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, kinukumpleto pa ng proyekto ang requirements nito sa mga ahensiya ng gobyerno, gaya ng National Water Resources Board, Department of Environment and Natural Resources, Department of Agrarian Reform, at iba pa.

Sa kasalukuyan, nakapagsu-supply lang ang DCWD sa 5,100 bahay, kaya naman nagpapatupad ito ngayon ng rotating water interruption sa ilang barangay.

Matatandaang ilang beses nang inireklamo ng pamahalaang lungsod ang serbisyo ng DCWD, partikular na sa mga kabundukang lugar sa ikalawang distrito. (YAS D. OCAMPO)