Sadyang hindi kukunsintihin ang sinumang nang-aabuso ng kapangyarihan, nagbabala si Pangulong Duterte sa mga police scalawag na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Korean na ang mga ito “will suffer the same fate” gaya ng kanilang biktima.
Sa harap ng matinding pagkadismaya ng publiko sa pagpatay kay Jee Ick Joo sa loob mismo ng Camp Crame, sinabi ng Presidente na tumatayming lang siya ngunit pagbabayarin niya ang mga tiwaling pulis na nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
“Gaya ng pulis na nag-kidnap, aba they will… Sabi ko nga, kayong mga nasa gobyerno, I don’t know about your officers, but if you ask me, you will suffer the same fate. You will suffer the same fate,” sinabi ng Pangulo sa oath-taking ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Malacañang kamakailan.
“Ewan ko kung kailan, pero may araw talaga na mataymingan ko kayo,” dagdag niya.
Dagdag ng Presidente, personal niyang pananagutin ang mga pasaway sa gobyerno, at iginiit na hindi niya kailanman ipinag-utos kay PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa at sa iba pang pulis na ilagay ng mga ito ang batas sa sariling mga kamay.
“I’ve always said, papatayin ko kayo,” ani Duterte.
Kasunod nito, mistulang nagbibirong binanggit ni Duterte ang aniya’y sarili niyang karanasan bilang “killer”. Aniya, “Kasi noong hindi pa ako na-mayor, killer man rin ako. Mura lang (ang bayad sa akin). Hindi masyado mahal ang kubra ko roon.”
Kasabay nito, iginiit ng Pangulo na gagawin niya ang lahat upang protektahan ang mga Pilipino laban sa droga.
“I will do everything to preserve my country. Huwag na ‘yang martial law, martial law na issue-issue. I-headline lang naman ‘yan para maka—may magbili,” sabi ni Duterte.
Gayunman, nilinaw niyang hindi niya kailanman ipag-uutos sa pulisya o sa militar ang paggawa ng anumang labag sa batas.
“Akala mo papayag ‘yan sila to commit a crime? They are ordered Day One sa PMA (Philippine Military Academy) or PNPA (Philippine National Police Academy): Obey legal orders,” ani Duterte. “Hindi ko ito mautusan, sabihin mong, ‘magnakaw, magpatay kayo’, whether it is a right or wrong to kill… Alam mo, ‘pag pilitin mo ako, ang mangyari sa akin? Mag-coup d’état ito. Ako pang maunang ma-salvage nitong mga ‘to.”
Muli rin niyang binigyang-diin ang suporta niya sa PNP: “You need not worry about legal cases. I will protect you. I will provide everything. Wala kayong sakit sa ulo. Just do your work. Just follow the law,” anang Pangulo.
(Genalyn D. Kabiling)