Hindi na humihinga ang isang matandang lalaki nang matagpuan sa isang palaisdaan sa Valenzuela City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Luis San Gabriel, 59, may asawa, ng No. 4 Rosemarie Street, Barangay Tagalag ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni Police Senior Insp. Avelino Andaya ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng saksak sa ulo ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon kay Barangay Ex-official Romeo Ramos, ng Barangay Coloong, bandang 8:00 ng gabi nang magtungo sa kanilang opisina ang isang tricycle driver at ini-report ang nangyari kay San Gabriel na nakasubsob sa kanal.

3 sa bawat 4 estudyanteng Pinoy, gumagamit ng 'paraphrasing AI tool!'—survey

Kaagad humingi ng tulong si Ramos sa mga pulis para ipagbigay-alam ang pangyayari.

Nakita sa tabi ng bangkay ni San Gabriel ang mga isdang biningwit na nakalagay sa fishnet at ang kanyang bisekleta.

Ayon sa mga barangay official, mahigpit na ipinagbabawal ang pamimingwit sa mga palaisdaan, lalo pa’t walang pahintulot ng mga may-ari. (Orly L. Barcala)