Duguang bumulagta ang isang tulak habang pitong katao pa ang inaresto sa ikinasang operasyon sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Dead on the spot si Nelson Marabe, 36, ng North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng iba’t ibang kalibre ng baril sa katawan.
Paghupa ng putukan, nadakip sina Anthony Ocdin, Michael Unqui, Marlon Batiancila, Alain Encinas, Romer Del Rosario, Jessie Tumulak at Darwin Rosejelos, pawang kalugar ng napatay na suspek.
Ayon kay Supt. Bernabe Embile, Deputy Chief of Police ng Navotas Police Station, bandang 3:30 ng hapon nila isinagawa ang ‘Oplan Galugad’ at ‘Oplan Sita’ sa kahabaan ng Daisy Street, Agora Barangay North Bay Boulevard South.
Nilapitan nila si Marabe, ngunit sila’y pinaputukan nito at sinabayan ng pagtakbo.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Narekober kay Marabe ang isang sumpak at hindi mabatid na dami ng shabu. (Orly L. Barcala)