BUTUAN CITY – May 500 pamilya ang lumikas nang simulang hampasin ng bagyong ‘Auring’ ang Caraga, partikular sa Surigao del Sur at Agusan del Sur, kahapon.

Iniulat ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar na umapaw ang mga ilog dala ng malakas na ulan na nagsimula noong madaling araw ng Biyernes.

Sa Surigao del Sur, 12 barangay sa bayan ng San Miguel ang binaha nang umapaw ang Tago River.

Maraming pamilya sa San Miguel ang pilit na inilikas bago pa man dumating ang Auring, ang unang bagyo tumama sa bansa sa 2017.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa mga bayan ng Hinatuan at Bayabas, tumulong ang rescue teams sa paglilikas ng mga binaha simula Biyernes ng hapon.

Sarado ang mga elementary at high school sa Tandag City, San Miguel, Hinatuan at Bayabas.

Sa Agusan del Sur, lubog sa baha ang national highway sa Lucena at La Caridad areas sa bayan ng Prosperidad, at Purok 4 sa bayan ng Talacogon.

Pinagbawalan namang maglayag ang mga sasakyang pandagat sa mga apektadong lugar.

Kahapon, dakong 1:00 ng hapon ay nakataas ang Storm Signal No. 1 sa mga lalawigan ng Agusan del Sur, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Norte at Dinagat Islands. (MIKE U. CRISMUNDO at Rommel Tabbad)