Naghihimas ngayon ng rehas ang isang lalaki na umano’y nang-hostage ng sarili niyang kamag-anak sa Tondo, Maynila.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention, paglabag sa Batas Pambansa 6 at resisting arrest ang suspek na si Marvin Bacolod y Maanyag, 30, ng Barangay Ilang-ilang, Guiginto, Bulacan.
Samantala, nasa maayos nang kalagayan ang mga biktima na sina Solita Maanyag y Viray, 46; at Jenny Grefaldon y Maanyag, 26, kapwa residente ng 786 Gabriela Street, kanto ng G. Perfecto St., sa Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na pitong oras, mula 6:00 ng gabi ng Bagong Taon hanggang 12:57 ng madaling araw kahapon, hinostage ng suspek ang mga biktima sa loob mismo ng tahanan ng mga ito.
Bago ang pangho-hostage, Disyembre 31,nagtungo sa tahanan ng mga biktima ang suspek upang doon salubungin ang Bagong Taon matapos itong iwanan ng kanyang asawa at mga anak.
Kapansin-pansin umanong balisa ang suspek na sa tingin nila’y dahil sa pagkakahiwalay nito sa kanyang asawa.
Gayunman, pagsapit ng 6:00 ng gabi ng Bagong Taon, bigla na lang nitong hinostage ang mga biktima at ikinulong sa loob ng bahay habang armado ng patalim.
Nagbanta pa umano ito na papatayin ang dalawa kung hindi nila makukumbinsi ang asawa nito at dalawang anak na babae na magtungo doon upang makasama niya sa Bagong Taon.
Kaagad namang ini-report ni Barangay Chairman Roel Ilagan ng Barangay 52, Zone 4, ang insidente sa mga pulis.
Mismong si Supt. Daniel ang nagsilbing ground commander sa lugar habang sina Ilagan at Police chief Insp. Manny Israel, ng Tayuman Police Community Precinct (PCP), ang nagsilbing peace negotiator.
Sa negosasyon, napapayag ng mga peace negotiator ang suspek na madisarmahan at isulat sa isang papel ang address ng kanyang asawa sa Bulacan. At nang iaabot na ng suspek ang papel sa mga pulis ay kaagad na nila itong dinakma.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang stainless kitchen knife. (Mary Ann Santiago)