Gigibain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng fish pen sa Laguna Lake upang bigyang-prioridad ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Paliwanag ni DENR Secretary Gina Lopez, sa pagpasok ng 2017 ay aalisin na nila ang lahat ng fish pen sa lawa matapos mag-expire ang permit ng mga ito ngayong Disyembre.
Aniya, hindi na ire-renew ng DENR ang permit ng mga ito upang mabigyan naman ng pagkakataong makapangisda ang maliliit na mangingisda na iniaasa lamang sa Laguna Lake ang kanilang kabuhayan.
Sinabi ng kalihim na ang hakbangin ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Laguna Lake is very close to the President's heart, so we are not renewing the permits,” sabi ni Lopez, idinagdag na nakikipagdayalogo siya sa mga may-ari ng fish pen kaugnay ng usapin.
Umapela na rin ang DENR sa mga may-ari ng ng mga fish pen na hanguin na ang kanilang mga isda bago pa mag-expire ang permit to operate ng mga ito.
Nanawagan din si Lopez sa mga fish pen owner na tumulong sa pagbabaklas ng kani-kanilang baklad.
Batay sa record ng kagawaran, sa 90,000-ektaryang Laguna Lake ay 13,000 ektarya nito ang okupado ng mga fish pen.
(Rommel P. Tabbad)