KAHIT ayaw nang padaluhin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Vice President Leni Robredo sa mga cabinet meeting sa Malacañang sa dahilang hindi raw siya komportable sa presensiya nito, at kahit nagbitiw si beautiful Leni bilang puno ng HUDCC, tiniyak ni Mano Digong noong Disyembre 8 na mananatili at matatapos ni Robredo ang kanyang termino sa loob ng anim na taon.

Marahil ay naliwanagan si PRRD na hindi naman niya kaaway (political rival) ang biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo sapagkat inihayag nito sa kanyang presscon na susuportahan pa rin niya ang mga programa, proyekto at patakaran ng Du30 administration basta para sa kagalingan, kabutihan at interes ng bayan.

Aminado ang pangulo na may “irreconcilable differences” sila ni VP Leni, kagaya ng pagsuporta nito sa US (galit naman siya), extrajudicial killlings, death penalty, pagmamaliit sa kababaihan at iba pa. Sa probinsiya ng mga “Uragon” (Albay), tiniyak ni PRRD na walang plano mula sa kanyang kampo o administrasyon na patalsikin o “nakawin” ang puwesto ng Bise Presidente mula kay Robredo.

“Wala kaming away ni Leni. Sinisiguro ko sa kanya at sa Bicol Region na siya ay mananatili sa puwesto hanggang sa katapusan ng kanyang termino.” Hiyawan at palakpakan ang mga uragon. Papaano ngayon si ex-Sen. Bongbong Marcos na noong sila’y nasa China ay ipinakilala bilang susunod na pangalawang pangulo kung mananalo sa protesta? Anyway, ang kondisyon naman ay kung mananalo. Dahil dito, nangamba si VP Leni na baka “agawin” sa kanya ang posisyon dahil si Bongbong ay may protesta sa Presidential Electoral Tribuna. Goodbye na ba Bongbong at better luck next time?

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Idinagdag pa ni Pres. Rody: “Saka, walang isyu tungkol sa pagtatanggal sa Vice President. Ano ba ang krimen.” Tulad ng pangulo, ang pangalawang pangulo ay puwede lang matanggal sa posisyon sa pamamagitan ng impeachment. Kaugnay nito, hinamon ni Du30 ang mga kritiko, partikular si Sen. Leila de Lima, na sampahan siya ng impeachment complaint. Hindi raw siya natatakot. Puro daldal lang daw si Sen. Leila.

Itinanggi ng Liberal Party na nagpaplano silang mapatalsik ang Pangulo. Nag-aakusa kasi si Du30 na may balak siyang patalsikin ng mga “Dilawan” (Yellows) na kaalyado ni ex-Pres. Noynoy Aquino. Sinabi ni Acting LP Pres. Sen. Francis Pangilinan na wala silang kakayahang patalsikin ang Pangulo sapagkat kakaunti lang ang kanilang mga miyembro na puwede raw ilulan lang sa isang Volkswagen Beetle. Halos 100 LP member daw ang sumapi na sa Majority Coalition sa Kongreso (Senado at Kamara).

Nag-aabang ang taumbayan sa magiging pasiya ng Department of Justice tungkol sa pahayag ni Mano Digong na hindi niya papayagang makulong ang mga pinuno at tauhan ng PNP Region 8 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa pamumuno ni Supt. Marvin Marcos, na sumalakay at nakapatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa kulungan noong Nobyembre 5.

Sa findings ng National Bureau of Investigation, isang rubout at hindi shootout ang nangyari sa selda ni Espinosa, ama ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa. Maging ang mga komite na pinamumunuan nina Sens. Gordon at Lacson, ay naniniwalang “premeditated” o pinagplanuhan ang pagsalakay at pagpatay. Maging si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, sa kanyang pagharap sa Senate Committee on justice and human rights, ay naniniwalang ito ay “premeditated.”

Ayon sa mga report, sa kabila ng pahayag ng pangulo na hindi siya papayag na makulong ang mga pulis, sinabi ni Aguirre na itutuloy nila ang preliminary investigation upang madetermina kung may sapat na ebidensiya para kasuhan sila sa korte. Dito masusubok ang NBI at DoJ kung magiging malaya sila at hindi maiimpluwensiyahan ng pahayag ni Du30. Sa panig ng Senado, sinabi ni Lacson na tuloy ang kanilang imbestigasyon at wala silang sasantuhin!

(Bert de Guzman)