Binigyan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ng 24 oras sina Associate Commissioners’ Al C. Argosino, at Michael B. Robles upang magpaliwanag kaugnay ng akusasyon ng pangongotong sa business tycoon na si Jack Lam.

Inilabas ni Morente ang pahayag bilang tugon sa lumabas na kolum sa isang pahayagan na kinikilan umano ng dalawang mataas na opisyal ng BI ng P50 milyon ang online gaming operator na si Lam.

Ang naturang halaga ay inabot umano ni retired Chief Supt. Wally Sombero, na sinasabing hiningian ni Lam ng tulong kapalit ng pagpapalaya sa 600 sa 1,316 na Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa Fontana Resort and Casino sa Clark, Pampanga.

Ang inisyatibong ito ni Morente ay hiwalay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), na iniutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Morente na susuportahan ng BI ang iba pang parallel investigation sa nabanggit na bribery scandal.

Kasabay nito, inihayag ng dalawang komisyuner na magli-leave sila ng 30 araw simula kahapon, Disyembre 12, upang bigyang-daan ang imbestigasyon.

“In the interest of justice and in our adherence to the Rule of Law and our belief in the truth, we are taking a leave of absence from our duties as Deputy Commissioners of the Bureau of Immigration (BI),” saad sa nilagdaang liham nina Argosino at Robles para kay Aguirre. (Mina Navarro)