Kinumpirma kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Chief Supt. Oscar Albayalde na iniimbestigahan na sa headquarters ng Manila Police District (MPD), sa Ermita, Maynila ang dalawang ‘persons of interest’ kaugnay sa natagpuang improvised explosive device (IED) sa US Embassy nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Albayalde, ang persons of interest ay inimbitahan mula sa Bulakan, Bulacan at Caloocan City, ngunit hindi muna pinangalanan ang mga ito.
Nabatid na ang lalaking taga-Bulacan ay tubong Marawi City at inimbitahan kamakalawa ng gabi habang ang taga-Caloocan City naman ay kahapon ng umaga lamang inimbestigahan.
Ang mga ito ay natunton, ayon kay Alabayalde, sa pamamagitan ng cartographic sketch at mga nakuhang impormasyon mula sa intelligence community.
Kasalukuyan na aniyang sumasailalim ang dalawa sa interogasyon sa MPD headquarters. (MARY ANN SANTIAGO at FER TABOY)