Muling pinatalsik ng top seed Filipina netter Khim Iglupas ang nakatapat na si Shiori Ito ng Japan, 6-4, 6-3, kahapon upang tumuntong sa quarterfinals ng Phinma-PSC International Juniors Tennis Championships Week 2 sa Rizal Memorial Tennis Center.

Taliwas sa magaang panalo sa Week 1, lubhang nahirapan ang 18-anyos na si Iglupas kontra WTA Under 14 champion na si Ito sa ikalawa nitong paghaharap kung saan kinailangan niyang magpakatatag sa loob ng isang oras at 40 minutong laban sa Grade 4 ITF 18-under category events na suportado ng Phinma Group of Companies at Philippine Sports Commission.

“Nahirapan po ako ngayon kumpara sa una naming laban,” pahayag ng pambato ng Iligan City.

Napatalsik din niya si Ito sa round 2 ng Week 1, 6-2, 6-1.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Malakas talaga siya sa long game tapos naibabalik na niya ang mga drop saka iyung spin shots ko,” sabi ni Iglupas na asam mabawi ang nabitawang titulo tatlong araw ang lumipas at makaiwas din sa nakaabang upset.

Unang tinalo ni Iglupas si Ivana Popovic ng Austrilia, 6-3, 6-2.

Dalawa pang top seed player ang napatalsik sa torneo na sina 5th seed Risa Fukutoku ng Japan na nabigo kay Jordan Harris ng US, 6-2, 6-3 gayundin ang 7th seed na si Oleksandra Kalachova ng New Zealand na pinatalsik ni Jing Jing Yang ng China, 1-6, 7-5, 6-4, sa torneo na nagbibigay ng 40 ranking point ng ITF sa kampeon.

Nabigo naman ang isa sa tatlong natitirang Pilipina na si Shaira Hope Rivera matapos makaharap ang Week 1 champion na si Kuan Yi Lee ng Taipei, 6-2, 6-2.

Sunod na makakasagupa ni Iglupas ang magwawagi sa pagitan nina Shevita Aulana ng Indonesia at Ange Oby Kajuru ng Japan, na pinatalsik ang 8th seed Week 1 runner-up Ting-Pei Chang ng Chinese Taipei, 6-2, 6-2.