INDIANA (AP) – Patuloy ang pananalasa sa road game ng Golden State Warriors nang pabagsakin ang kulang sa player na Indiana Pacers, 120-83, nitong Lunes (Martes sa Manila) para hilahin ang winning streak sa walo.

Ratsada sina Klay Thompson at Stephen Curry sa naiskor na 25 at 22 puntos, ayon sa pagkakasunod para sandigan ang Warriors sa ika-12 panalo sa kabuuang 14 laro.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 14 puntos mula sa 3-of-9 shooting, habang kumubra sina Ian Clark at Draymond Green ng tig-10 puntos.

Naglaro ang Pacers na wala ang premyadong shooting guard na si Paul George at starter Myles Turner para makamit ang ikawalong kabiguan sa 15 laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna si Rodney Stuckey sa indiana sa naiskor na 21 puntos, habang umiskor si Thaddeus Young ng 14 puntos.

SPURS 96, MAVS 91

Sa AT&T Center, nagbunyi ang home crowd sa panalo ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumana ng 24 puntos, kontra Dallas Mavericks.

Kapwa kulang sa player ang magkabilang panig (Dirk Nowitzki at Deron Williams sa Dallas, at LaMarcus Aldridge at Tony Parker sa San Antonio), dahilan para maagaw ni Seth Curry, nakababatang kapatid ni Warriors star Steph, ang aksiyon sa naiskor na career-high 23 puntos.

Kumana rin para sa Mavs sina Harrison Barnes at Wes Matthews na may tig-20 puntos para sa Dallas, bumagsak sa 2-11 para sa pinakamasamang simula sa season mula nang maitala ang 1-23 noong 1993-94 season.

ROCKETS 99, PISTONS 96

Naisalpak ni James Harden ang krusyal na basket sa huling sandali para sandigan ang Houston Rockets kontra Detroit Pistons.

Gabuhok lamang ang abante ng Houston, 94-93, may 1:04 sa laro nang maisalpak ni Harden ang 19-foot jumper para selyuhan ang panalo. Tumapos siya na may 26 puntos, 11 assist at walong rebound.

Nag-ambag si Clint Capela ng 15 puntos, 12 rebound at dalawang blocks.

Natamo ng Pistons, pinangunahan nina Kentavious Caldwell-Pope na may 26 puntos at Andre Drummond na tumipa ng 13 puntos at 16 board, ang ikaapat na sunod na kabiguan.

CELTICS 99, WOLVES 93

Sa Target Center, nakabangon ang Boston sa 15 puntos na paghahabol para maungusan ang Minnesota Timberwolves.

Naghahabol sa 66-81 sa pagtatapos ng third quarter, ratsada ang Celtics sa naibabang 19-0 run para agawin ang bentahe sa 85-81 may 5:43 ang nalalabi sa laro.

Naungusan ng Boston ang Minnesota, 31-12, sa fourth period para sa ikawalong panalo sa 14 laro.

BUCKS 93, MAGIC 89

Hataw si Giannis Antetokounmpo sa natipang triple-double – 21 puntos, 10 rebound at 10 assist – para putulin ang three-game skid ng Bucks sa impresbong panalo kontra Orlando Magic.

Nag-ambag si Jabari Parker ng 22 puntos para sa Bucks.

Nanguna sa Magic sina Serge Ibaka at Elfrid Payton na may 21 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.