ISANG mahalaga at natatanging araw ang ika-23 ng Nobyembre para sa mga taga-Angono, Rizal, ang Art Capital ng Pilipinas at bayan ng mga National Artist na sina Carlos “Botong” Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, sapagkat masaya, makulay at makahulugan nilang sabay na ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Clemente at ng Angono.

Ang pagdiriwang ay sinimulan noong Nobyembre 14 sa pamamagitan ng siyam na gabing nobena-misa sa Saint Clement Parish. Kasunod nito, matapos ang misa, ay ang pagsasayaw ng mga deboto ni San Clemente sa harap ng simbahan sa saliw ng tugtuging martsa ng Angono National Symphonic Band. Ang pagsasayaw ng mga deboto at iba pang may panata kay San Clemente ay bahagi ng kanilang pasasalamat.

Ayon sa kasaysayan, ang pista ni San Clemente ay nagsimula pa noong 1880, matapos na si G. Francisco Guido, ang may-ari noon ng Hacienda de Angono, ay magtayo ng isang simbahan sa Biga, isang magubat na lugar malapit sa bundok na ngayon ay isa nang malaking subdibisyon. Ginawang patron saint si San Clemente, ang ikatlong Papa sa Roma na naging martir at santo. Mula noon hanggang sa ngayon, patuloy ang pagdaraos ng kapistahan tuwing sasapit ang ika-23 ng Nobyembre, kasabay ng pagbibigay-buhay sa iba’t ibang tradisyon kaugnay ng kapistahan.

Bahagi ng pagdiriwang sa umaga ng Nobyembre 23 ang isang concelebrated mass sa San Clemente Parish ni Bishop Francisco de Leon, ng Diocese ng Antipolo, bilang bahagi ng pasasalamat ng mga taga-Angono sa Poong Maykapal sa patnubay ng kanilang patron saint na si San Clemente. Matapos ang misa, kasunod na nito ang prusisyon ng mga imahen ni San Clemente, ng Mahal na Birhen, at ni San Isidro patungo sa tabi ng Laguna de Bay upang gawin ang Pagoda o fluvial procession sa Laguna de Bay, sa bahaging sakop ng Angono.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Ang fluvial procession ang pinakatampok na bahagi ng kapistahan ni San Clemente.

Nakapatong ang pagoda sa limang malalaking bangkang pukot. May makulay na dekorasyon, tulad ng kamuning, bandera, kayas ng kawayan at mga bulaklak. Dito isinasakay ang imahen ni San Clemente, ng Mahal na Birhen at ni San Isidro.

Hinihila ng kalalakihan, mga propesyonal, kabataan at iba pang may panata kay San Clemente ang Pagoda. Kasunod na ang Rosario Cantada sa loob ng Pagoda ng mga kasamang namamanata. Sumusunod naman ang ibang may panata na sakay ng mga bangkang de-motor.

May naghahagis ng tinapay at prutas sa loob ng Pagoda, at sa mga humihila rito. Sa paghila ng Pagoda, nakatatapak at nakahuhui ng mga isda, tulad ng kanduli, dalag, tilapia, karpa, bangus at big head. Tinutuhog at isinasabit sa andas ni San Clemente, ng Mahal na Birhen at ni San Isidro.

May paniwala na kapag maraming nahuling isda ay magiging sagana sa isda ang lawa sa susunod na taon.

Matapos ang fluvial procession, kasunod na ang masayang prusisyon-parada paahon sa bayan, kasama ang lahat ng lumahok sa fluvial procession, pangkat-pangkat.

Kasama rin ang mga pangkat ng mga batang babaeng parehadora ng iba’t ibang barangay. Makukulay ang kasuotan at may hawak na mga sagwan na may pintang kulay puti at asul na nakapatong sa balikat.

Nagmamartsa at tinutugtugan ng banda ng musiko. Sa prusisyon-parada, bilang katuwaan ay may nagsasaboy ng tubig sa mga kababayan at kakilala na nanonood ng parada. Nagwawakas ang parada-prusisyon sa harap at patio ng simbahan.

Nagsasayaw ang mga deboto bago ipasok ang imahen ni San Clemente, ng Mahal na Birhen at ni San Isidro.

Kahit nakadarama ng pagod at gastos, para sa mga taga-Angono ay hindi nawawala at lalong tumitibay ang kanilang community spirit o pagkakaisa at ang pagbuhay at pagpapahalaga sa namanang mga tradisyon at kultura na nakaugnay sa Diyos sa relihiyon at kasaysayan. (Clemen Bautista)