Sinimulan ng reigning juniors champion University of Perpetual ang kanilang title retention bid sa pamagitan ng 25-10, 25-9, 25-9 panalo kontra CSB- La Salle Greenhills kahapon sa pagbubukas ng NCAA Season 92 juniors volleyball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Nagtala ng 12 puntos si Vergel Galloso habang nagdagdag sins Al-Jhon Abalona at Paul Solamin ng tig-10 puntos para pangunahan ang nasabing panalo.
Literal na dinikdik ng Junior Altas ang Junior Blazers pagdating sa hits at service matapos nilang magtala ng kabuuang 44 hit kumpara sa all-time low na walong hit ng karibal bukod pa sa 14 ace kumpara sa isa lamang ng kanilang katunggali.
Bunga ito ng 41 excellent set ng Perpetual, 27 ay nanggaling sa setter nilang si Christian Hidalgo kumpara sa anim lamang ng setter ng CSB- LSGH na si John Vande Vusse.
Nauna rito, nakumpleto ng Lyceum of the Philippines ang 3-0 sweep ng kanilang unang tatlong laro sa tatlong division matapos magwagi ang Junior Pirates sa kanilang opening game kasunod ng Lady Pirates at ng Pirates.
Tinalo ng Lyceum ang Letran sa loob ng apat na sets, 25-23, 23-25, 25-23, 25-17. (Marivic Awitan)