Nahaharap si Makati City Mayor Abigail Binay sa kasong graft sa Office of the Ombudsman kaugnay ng kabiguan niya umanong sawatain ang talamak na illegal online gambling sa lungsod.
Dawit din sa siyam na pahinang reklamo na inihain ng Anti-Trapo Movement of the Philippines (ATM) si Maribert Pagente, hepe ng Business Permit and License Office (BPLO) at ilang hindi pinangalanang opisyal.
Ayon sa ATM, hindi nagsagawa ng imbestigasyon ang mga respondent bago nagbigay ng business permit sa mga aplikanteng nagpanggap bilang business process outsourcing (BPO) outfits.
Hindi naman malinaw sa ATM kung nakinabang ang alkalde sa mga nabanggit na ilegal na operasyon.
Iginiit naman ng pamahalaang lungsod na mayroon itong istriktong polisiya laban sa ilegal na sugal kaugnay ng reklamo ng ATM laban sa alkalde.
Sinabi ni Atty. Michael Camina, tagapagsalita ni Binay, na tanging mga gaming establishment na may lisensiya mula sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang maaaring mag-operate sa siyudad.
ABSUWELTO
Samantala, pinawalang-sala naman kahapon ng Sandiganbayan ang misis ni dating Vice President Jejomar Binay, si dating Makati Mayor Elenita Binay, sa kasong graft kaugnay ng umano’y pagbili ng overpriced na office furniture para sa city hall, na nagkakahalaga ng P13.25 milyon noong alkalde pa ito, taong 1999.
Sa inilabas na desisyon ng 4th Division, nabigo ang prosecution panel na mapatunayan ang mga elemento ng isinampa nitong graft laban sa dating alkalde.
Maliban kay Binay, na-acquit din sina dating councilor at general services chief Ernest Aspillaga; at Vivian Edna Edurise, corporate officer ng contractor na Office Gallery International, Inc.
(Jun Ramirez, Anna Liza Alavaren at Rommel Tabbad)