Mayroon na lamang hanggang sa susunod na buwan ang mga overstaying overseas Filipino workers (OFW) sa Qatar para gawing regular ang kanilang status sa pamamagitan ng amnesty program ng Qatari government, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Binanggit ang ulat mula kay Labor Attaché David Des Dicang ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Qatar, ipinaalala ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ang huling amnesty program ng Ministry of Interior (MOI) ng Qatar, na nagsimula nitong Setyembre 1, ay magtatapos na sa Disyembre 1, 2016.

Hinimok niya ang mga kwalipikadong OFWs na mag-avail ng programa bago ang deadline upang hindi magkaproblema sa Qatar.

“I strongly urge Filipinos illegally staying in Qatar to avail of this amnesty and go home to the Philippines to avoid the repercussion of their being declared as illegal foreigners in Qatar,” ani Bello sa isang pahayag.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sakop ng huling amnesty program ang mga banyaga, na naninirahan sa Qatar at lumabag sa mga regulasyon nito sa entry, exit, residence at sponsorship ng expatriates.

Sinabi ni Dicang na ang OFWs, na nais mag-avail ng amnesty, ay maaaring magtanong sa Search and Follow Up Department ng Qatar para sa exit procedures.

Batay sa huling datos mula sa Commission on Filipino Overseas (CFO), mayroong 200,000 Pilipino sa Qatar. Tinatayang 15,000 sa kanila ay mayroong irregular status, o iyong mga walang tamang dokumento o overstaying sa Qatar.

(Samuel Medenilla)