Pinatututukan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang pamilya mula sa Visayas na sangkot umano sa P5.1 bilyong money laundering.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, isang pamilya ng drug lord ang tutugaygayan.
“Isang family ito ng drug lord, talagang hindi ka makakapaniwala taga-Visayas po,” ani Aguirre.
Ang perang sangkot, aniya, sa money laundering ng hindi tinukoy na pamilya ay kita mula sa transaksyon ng ilegal na droga.
Ang nasabing pamilya ay binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa National Bureau of Investigation (NBI) anniversary kahapon.
Ayon sa pangulo, nagawa ng pamilyang ito na makapagtayo ng korporasyon para makapag-launder ng drug money.
“Just recently, we’re digging into the records of the case and he has (formed) not really a fake corporation, but a set-up just to launder (drug) money,” ayon sa Pangulo. “To date, we have the accounting of P5.1 billion (of) one family,” dagdag pa niya.
Dahil kamakalawa lamang ibinunyag ni Duterte ang nasabing impormasyon, sinabi ni Aguirre na hindi pa nila nakukuha mula sa AMLC ang account details ng nasabing pamilya. (Beth Camia)