Hindi naging sagabal kundi naging hamon pa ang madikit na putik na idinulot ng bagyong Lawin para sa mga lumahok sa Mt. Maculot Mountain Bike Challenge na parte sa pagdiriwang sa ika-140 na taong pagkakatatag ng bayan ng Cuenca, Batangas.
Nagmistulang lawa ng putik ang ruta dahil sa matinding pagbuhos ng ulan bago simulan ang 35-kilometrong karera na may nakatayang kabuuang P33,000 cash prizes sa mga magwawagi.
Gayunman, hindi ito inalintana ng home bet na si Michael Climaco, 26-anyos, mula Brgy. Dita, upang angkinin ang korona sa Elite Open ng Mt. Maculot Mountain Bike Challenge.
Kasunod niya ang dayo mula sa lugar ng Bulacan na si Archie Durano habang nagkasya ang nakatatandang kapatid ng kampeon na si Jonathan Climaco.
Nagsimula ang karera sa Cuenca Municipal Hall grounds ng Brgy. San Felipe at pinakawalan ni Councilor Nina Pasia Verdan at nagtapos sa Brgy. Uno ng nasabing bayan ay kabisado ng nakababatang Climaco kahit pa napuno ng putik tungo sa kanyang pagsungkit sa korona.
Ang karera ay itinataguyod ng Pamahalaang Bayan ng Cuenca, kaagapay ang mga panaderong sina Armando Marasigan, Eming Macasaet, Bitoy Marasigan, Janno Marasigan, Peding Mauleon, Voltaire Endaya ng Cuenca Cycling Club at Pepe Chavez ng Ala-Eh Cycling Club para palawakin ang sports na MTB.
Nagwagi naman sa kategoryang 36 & Above sa uno-dos-tres puwesto sina Arnold Pinano ng Novaliches, Lungsod Quezon, Benito Abayon ng Marikina City at Elmer Fedelino ng Lucena City upang mapasama sa mga nabiyayaan ng nakatayang premyo na pinag-ambagan ng mga punong abala sa Bakery Capital ng bansa.
Nagwagi din sa 35 years under si Froilan Veranga, kasunod sina Randel Corona at Vincent Alingasa sa hagibisang itinaguyod din nina Mayor Lerry Endaya at Vice-Mayor Romy Cuevas. (Angie Oredo)