Bantay sarado ng pulisya at militar ang seguridad ng mga turistang dayuhan sa Southern Cebu, kasunod sa babala ng embahada ng Amerika sa napaulat na umano’y planong pagdukot ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga turista sa lalawigan.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-7 Director Chief Supt. Noli Taliño na nakatanggap ng intelligence report ang pulisya na planong magsagawa ng kidnapping ng bandidong grupo sa mga dayuhang turista sa Cebu kaya naman pinaigting na ng pulisya ang puwersa nito lalo na sa mga tourist spot sa probinsiya.

Nag-deploy na rin ng karagdagang puwersa ang Regional Public Safety Battalion (RPSB)-7 sa mga bayan ng Dalaguete, Oslob, Santander at Sumilon Island.

Pinaigting din ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG)-7 ang pagpapatrulya nito sa mga coastal area lalo na sa Southern Cebu.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

In-activate na rin ang Bantay Dagat at Southern Cebu Coastal Conservation Team para magsagawa ng monitoring laban sa Abu Sayyaf, ayon kay Taliño.

Una nang nagpalabas ng babala ang United States Embassy sa mamamayan nito na iwasang pumunta sa mga lugar na dinadayo ng mga dayuhan sa Cebu.

Sa travel warning na ipinaskil sa website nito noong Huwebes, inalerto ng embahada ang mga Amerikano “that terrorist groups are planning to conduct kidnappings in areas frequented by foreigners on the southern portion of Cebu Island, specifically the areas around Dalaguete and Santander (to include Sumilon Island).” (Fer Taboy)