MASAYA kami para sa English at Speech professor namin noong college na si Ms. Peewee O’Hara na bida na sa indie film na Si Magdalola at Ang Mga Gago na kasama sa Cinema One Originals Festival 2016 mula sa panulat at direksiyon ni Jules Katanyag.
Asawa si Ms. Peewee ng aktor/direktor na si Jerry O’Hara, na kapatid naman ni Direk Mario O’Hara (SLN).
Magaling magturo si Ms. Peewee kaya paborito siya ng mga estudyante sa Trinity College of Quezon City (Trinity University of Asia na ngayon). Magaang makisama sa mga estudyante at matiyagang magturo ang aming chubby pero seksing professor noon.
Nagulat na lang kami na kasama na siya sa mga youth-oriented show at serye bilang yaya, lola at tiyahin hanggang sa nasalubong namin siya sa ELJ Building kaya tinanong namin kung bakit tumigil na siya sa pagtuturo.
“Iba na kasi ang patakaran doon, hindi katulad dati, no’ng kayu-kayo pa,” kaswal na sagot sa amin ng aming maestra.
Mas mahirap ba ang magturo kaysa mag-artista na laging puyat?
“Okay lang naman.”
Muli naming nakita si Ms. Peewee sa isa pang indie film at bilang associate producer na idinirek naman ng anak niya.
Last week, nakita naman namin siya sa press launch ng Cinema One Originals Festivals 2016 at natawa pa nang tawagin namin ng ‘ma’am’ nang usisain kung may bagong pelikula siya? Nagulat din ang mga kasama ni Ms. Peewee na nagtanong sa kanya ng, “ang dami mo palang estudyante rito?”
Oo naman, kasama na ang isa sa publicity manager ng ABS-CBN Corporate Communications na si Aaron Domingo at lahat ng mga nag-aral ng Communications na konektado ngayon sa Kapamilya Network. Isama pa ang dalawang kapatid namin na na human resource manager sa Georgia, Atlanta.
Kuwento ni Ms. Peewee, masarap na mahirap ang showbiz dahil nga puyatan, pero nag-i-enjoy siya dahil mahal niya ang industriya.
Gagampanan ni Ms Peewee ang isang lola witch na tahimik na naninirahan sa bundok kasama ang apo pero ginulo ng mga adik at rapist. Kaya Ang Magdalola at Ang Mga Gago ang titulo.
“First time kong gumanap sa role na ibinigay sa akin, challenge ito kasi hindi ito ang personalidad ko, panoorin n’yo na lang,” nakangiting sabi ni Ms. Peewee.
Kasama rin sa pelikula sina Rhen Escano, Gio Gahol at Josh Bulot.
Mapapanood ang lahat ng entry ng C1 Originals Festivals 2016 sa Nobyembre 14-22 sa Trinoma, Glorietta, Gateway, Greenhills at Cinematheque. (REGGEE BONOAN)