CALAMBA CITY, Laguna – Dalawang umano’y drug dealer ang napatay habang tatlong iba pa ang naaresto sa isang anti-drug operation sa lungsod na ito nitong Miyerkules.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Office (PPO) Director Senior Supt. Joel C. Pernito, ang napaslang na suspek na sina Alano Dela Peña, ng Sto. Domingo Street; at Maximo M. Magnaye, 53, kapwa ng Bgy. Mayapa, Calamba City.
Nadakip naman sina Jerwin L. Magnaye, 26, binata, walang trabaho, at taga-Visaya Compound, Bgy. Mayapa; Ronnie A. Paciolan, 42, taga-Bgy. Mamatid; at Albert M. Pugado, 29, binata, ng Bgy. Majada, Calamba City.
Nakarekober ang mga awtoridad ng isang baril, ilang bala at walong sachet ng shabu mula kina Magnaye, Paciolan at Jerwin; habang tatlong sachet naman ng shabu, isang baril at mga bala ang nasamsam mula kina Dela Peña at Pugado.