Patay ang isang mag-ina habang malubha namang nasugatan ang dalawang katao makaraang magkarambulan ang dalawang magkaaway na pamilya sa Barangay Esperanza sa Jamindan, Capiz, nitong Martes ng gabi.
Sa report ng Jamindan Municipal Police, patay na nang idating sa Mambusao District Hospital ang mag-inang Corazon Lorico at Renie Lorico, matapos silang pagbabarilin ni Richard Bastian, na kasalukuyang nagtatago.
Ayon sa pulisya, nasugatan naman sina Jorge Lorico, asawa ni Corazon; at Ritchie Bastian, na anak ng suspek, at kapwa isinugod sa pagamutan.
Sinabi ng pulisya na away sa lupa ang motibo sa pamamaril ni Richard sa pamilya Lorico.
Matapos ang pamamaril ng suspek ay gumanti ang pamilya Lorico at pinagtataga naman ng mga ito si Ritchie.
Pinaghahanap din ng pulisya ang isa pang suspek na si Joefry Lorico, na wanted sa kasong frustrated murder.
(Fer Taboy)