Nakopo nina bowling protégée Patrick Neil Nuqui at beteranong si Bien Lozada ang titulo sa Classified at Open Masters Division sa pagtatapos ng SM Bowling Millionaires Cup Year 3 Grand Finals na ginanap sa SM Megamall Fashion Hall.
Dinomina ng 15-anyos na si Nuqui, Grade 10 student sa La Salle Greenhills, ang Classified Masters Division para iuwi ang nakatayang P600,000 premyo sa pagtatala ng 202-248 iskor sa knockout game.
Ito ang unang pagsali ni Nuqui sa torneo matapos turuan sa sports ng kanyang ama na si Neil na presidente ng Pasig Bowling Club, upang maging pinakabatang bowler sa bansa na magwagi sa SM Millionaires Cup.
“I am so happy not because of the prize but of the great experience I gain in the tournament,” pahayag ni Nuqui, nagsanay sa ilalim ng dating national coach na si Purvis Granger sa pagdalo nito sa lingguhang Philippine
Sportswriters Association (PSA) forum kasama ang dating 2003 World Cup champion na si CJ Suarez.
Pumangalawa kay Nuqui si Lozada na nagtala ng 414 (199-215).
Gayunman, iniuwi ni Lozada ang pinakamalaking premyo matapos itong tanghaling kampeon sa Open Masters at runner-up sa Classified Masters sa ikatlong edisyon ng torneo para ipunin ang kabuuang P1.35 milyon.
Naitala ni Lozada ang knockout scores na 209-237 kontra Letty Pineda na may 207-195 sa pagtatapos ng Open Masters.
(Angie Oredo)