Nadakip ng Ukrainian military ang isang Pilipino matapos umano itong gawing sundalo sa bansang Russia.
Ayon sa mga ulat, nabiktima ang Pinoy na si Raymon Gumangan ng isang pekeng online recruitment, na layong bigyan siya ng trabaho sa Russia.
Nang makalapag sa nasabing bansa noong Setyembre 2024, hindi inaasahan ni Gumangan na siya ay ihahanay pala sa militar—na nakatakdang makipagbakbakan sa puwersa ng bansang Ukraine.
Matapos hindi makapagparamdam sa loob ng tatlong (3) buwan, nagpadala si Gumangan ng isang liham sa International Committee of the Red Cross (ICRC) noong Setyembre 17, 2025, upang iparating sa kaniyang kaanak na siya ay nakadetine sa Ukraine noon pang Setyembre 2, 2025.
Tiniyak naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na sila ay nakikipag-ugnayan na sa mga kinauukulan, upang maibalik na sa bansa si Gumangan.
Vincent Gutierrez/BALITA