Nais ni Senate President Aquilino Pimentel III na bigyan ng “one time amnesty” ang mga employer para mabayaran naman ang kanilang kontribusyon sa Social Security System (SSS).
Para mangyari ito, iginiit ni Pimentel na dapat amyendahan ang ilang probisyon sa Republic Act 10361 o “An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers.”
Batay sa ulat ng Department of Labor and Employment (DoLE), hindi pa umabot sa 2 milyong kasambahay ang miyembro ng SSS, Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG Fund.
Nakasaad kasi sa batas na dapat bayaran ng employer ang kontribusyon ng mga kasambahay sa mga nabanggit na ahensya.
Sinabi ni Pimentel na maraming employer ang tumigil sa pagpaparehistro ng kanilang kasambahay sa SSS.
Sa pamamagitan ng amnestiya, sinabi ng Senador na matutuloy ang pagpapamiyembro ng mga kasambahay sa SSS.
(Leonel M. Abasola)