HAUNTED mansion, babaeng possessed, at ang love story ng Philippine cinema’s Horror Queen — ito ang mga kuwento ng pag-ibig at kababalaghan na inihanda ngayong Oktubre ng Wagas.

 

Ngayong Sabado (October 15), bibigyang-buhay nina Rafael Rosell at Valeen Montenegro ang kuwento ng mag-asawang sina Ramon at Digna at kung paano sinubok ang kanilang pagmamahalan sa loob ng isang Haunted Mansion. Bagong lipat ng bahay sina Ramon at Digna kasama ang kanilang anak na si Jay-R. Sa kanilang bagong bahay sana nila sisimulan ang pagbuo ng kanilang mga pangarap. Umaasa sila na ang pagbukod nilang mag-asawa ang magiging susi upang lalong tumatag ang kanilang pagsasama. Lingid sa kanilang kaalaman, bagamat mura ang upa sa malaking bahay, binabalot ito ng mga kababalaghan. 

 

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Samantala, isa sa mga sikat na proyekto noon ni Antoinette Taus ang classic horror film na Patayin sa Sindak si Barbara. Sa October 22, magbabalik-horror si Antoinette sa kanyang kauna-unahang pagganap sa Wagas bilang si Catherine, isang babaeng possessed at makakasama niya si Joross Gamboa. Kayanin kaya ng tunay na pag-ibig ni Gabriel na mapalaya ang dalaga?

 

At sa October 29, ang love story naman ng Horror Queen na si Lilia Cuntapay ang ibabahagi ng Wagas. Bago nakilala bilang pinakasikat na white lady sa mga pelikulang katatakutan, teacher sa Tuguegarao si Aling Lilia. Doon niya nakilala si Basilio. Hindi naging madali ang kanilang pagsasama. Naiwan si Aling Lilia na buntis at mag-isang nagtuguyod sa kanyang anak na si Gilmore. Ilang araw bago pumanaw si Aling Lilia, ipinagtapat niya sa kanyang anak na buhay pa ang kanyang ama.

 

Nagsimula ang Halloween series ng Wagas noong nakaraang Sabado (October 8) tampok ang kuwento ng lalaking ipinaglaban ang asawa sa tikbalang, na pinagbidahan nina Dion Ignacio at Jak Roberto kasama si Mercedes Cabral.

 

Abangan ang kakaiba at hindi malilimutang mga kuwento ng pag-ibig at kababalaghan sa Halloween special ng Wagas, tuwing Sabado, 7 p.m. sa GMA News TV.