BAGAMAT binabalak pa lamang, tila hindi na maaawat ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa paglulunsad ng “name and shame” campaign bilang parusa sa mga traffic constables na gumagawa ng mga katiwalian.

Bunsod ito ng pagkakaaresto kamakailan sa isang enforcer kaugnay ng umano’y drug pushing, at sa apat na iba pa dahil naman sa pangongotong sa mga motorista.

Sa pagpapatupad ng naturang kampanya, iuutos ni MMDA General Manager Tim Orbos ang pagpapaskil ng mga larawan, pati ang mga criminal at administrative cases ng kanilang mga tauhan sa mismong MMDA premises. Sa gayon, maiiwasan ng mga mamamayan na makipag-ugnayan sa inirereklamo ng MMDA personnel.

Kahawig ito ng shame drive na ipinatutupad naman ng ilang opisyal ng local government units (LGU) kaugnay naman ng kanilang pakikidigma sa illegal drugs at iba pang krimen. Iniuutos ng mga Alkalde ang pagparada sa mga pinaghihinalaang pusher, users at mga magnanakaw; nakasabit sa kanila ang mga karatulang ‘Mga sugapa kami sa droga, huwag pamarisan’ habang sila ay pumaparada sa mga kalye.

Maliwanag na naniniwala ang MMDA at ang ilang LGUs na ang nabanggit na mga estratehiya ang epektibong hakbang upang masugpo ang mga katiwalian sa naturang tanggapan at pagkalulong sa illegal drugs na nakapipinsala sa lipunan. Ganito rin ang paniwala ng ilang tanggapan ng pulisya na nahirati na sa paglalantad sa publiko ng mga crime suspect na pawang nakaposas.

Taliwas ang aking pananaw sa ganitong sitwasyon. Hindi ito maituturing na hadlang o deterrent sa mga alingasngas at kriminalidad. Manapa, isa itong paglalagay sa mga pinaghihinalaan sa isang malaking kahihiyan. Hindi ba ganito rin ang mensahe na inihahatid ng babala laban sa umano’y manggagantso na ang larawan ay nakalathala sa mga pahayagan? Isa itong malaking kahihiyan at pagyurak sa pagkatao.

Nakalulugod mabatid na waring ganito na rin ang pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon. Sa kanyang pahayag sa panunumpa sa tungkulin ng mga bagong hirang na mga opisyal ng kanyang administrasyon, nahiwatigan na hindi na niya ihahayag ang libu-libong pangalan sa narco-list. Marahil ay ayaw na niyang mainsulto ang mga kinauukulang sangkot sa illegal... drugs; ayaw na niyang madamay sa kahihiyan ang pamilya ng mga ito. At lalong magiging isang malaking kahihiyan – at kawalan ng katarungan – kung magkakaroon ng pagkakamali sa pagdawit sa pangalan ng sinasabing sangkot sa illegal drugs.

Ang kailangan na lamang ay mabilis na pagdakip at pag-usig sa mga tiwali at narco-suspects – at hatulan ang mga ito.

(Celo Lagmay)