NANAWAGAN ang mga eksperto sa climate change para sa mas buo at mas kongkretong pagkilos upang isalba ang ozone layer at protektahan ang kalikasan.

Ito ang naging apela nila sa pagbubukas kamakailan ng technical session ng 28th Meeting of Parties to the Montreal Protocol (MOP28) sa Kigali, kabisera ng Rwanda.

Ang Rwanda ang punong abala sa high-level global forum simula nitong Oktubre 8 hanggang 14 sa Kigali Convention Centre na nakatuon sa pagsusulong ng mga hakbangin tungkol sa pagbibigay ng proteksiyon sa ozone layer ng planeta.

“All countries globally should come up with a strong commitment to protect the ozone layer and ensure that a legislation that is among the strictest actions is put in place to save Ozone layer from depleting substances,” sabi ni Tina Birmpili, executive secretary ng Ozone Secretariat ng United Nations Environment Program.

Ayon kay Birmpili, panahon na upang ipatupad ng mga bansa ang napagkasunduan sa Montreal Protocol tungkol sa pagpoprotekta sa ozone layer at pabilisin ang proseso upang i-phase out na ang mapanganib na substances.

“We should celebrate 30th anniversary of Montreal Protocol in 2017 with an agreement on phasing down hydrofluorocarbons (HFCs),” aniya.

Dinagsa ang pulong ng mga international leader at mga eksperto sa pagpoprotekta sa ozone at low carbon development mula sa iba’t ibang panig ng mundo at tinatalakay ang pag-amyenda sa tratado ng Montreal Protocol.

Ayon kay Coletha Ruhamya, director general ng Rwanda Environment Management Authority (REMA), sinusuportahan ng Rwanda ang lahat ng pagsisikap upang tuluyan nang mai-phase out ang lahat ng delikadong substances na higit na nakapagpapanipis sa ozone layer.

“Hydrofluorocarbons must be phased down. Let’s all support an ambitious amendment to the Montreal Protocol by reducing the use of HFCs, the super-potent climate pollutants found in air conditioners, refrigerators, supermarket freezers, and other uses,” sabi ni Ruhamya.

Ang matagumpay na pag-amyenda sa protocol ay magiging senyales ng pangako ng pandaigdigang komunidad na magpatupad ng mga praktikal na hakbangin upang matamo ang mga hangarin ng kasunduan sa Paris—na limitahan ang global warming sa mas mababa sa 2°C, at ang mas ambisyosong target na 1.5°C.

Ang tratado ng Montreal Protocol ay isang pandaigdigang kasunduan na nagbibigay ng proteksiyon sa ozone layer sa pamamagitan ng pagpapatigil sa produksiyon ng substances na responsable sa pagnipis ng ozone layer at sa nararanasang climate change.

Nilagdaan ito noong Setyembre 16, 1987 at ikinokonsidera na isa sa mga pinakaepektibong multilateral environment treaty na napagtibay. Ito lamang ang nag-iisang tratado sa sistema ng United Nations na nilagdaan ng bawat bansa.

Ayon sa United Nations Environment Program, tumitindi ang HFC emissions sa pitong porsiyento kada taon. (PNA)