LAMAN ng front page ng isa sa mga pangunahing pahayagan sa France si Pangulong Digong. Inilarawan siyang “serial killer president”.

Iresponsable raw ito, ayon kay DILG Secretary Sueno. Kay Malacañang spokesman Ernesto Abella, hindi ito makatwiran.

Nagpupuyos naman ang damdamin ng mga taga-suporta ng Pangulo gaya ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa nasabing bansa.

Ito ang ikinagagalit din ni Pangulong Digong, ang pakikialam ng mga dayuhan sa kanyang ginagawa. Kaya, hindi na nga maganda ang lumalabas sa kanyang bibig laban kina U.S. President Barack Obama at sa United Nations Secretary General dahil sinabihan siya ng mga ito na gawin niya sa tamang proseso at igalang ang karapatang pantao sa kampanya niya laban sa krimen at ilegal na droga.

“Ako ay Pangulo ng malayang bansa,” wika niya, “at ako ang nakakaalam ng aming problema.” Kaya, titigil lang daw siya sa pakikidigma sa ilegal na droga kapag naubos na ang lahat ng mga sangkot dito.

Ang problema, hindi lang naman ang mga dayuhan ang bumabatikos sa Pangulo kundi pati ang kanyang mga kababayan. Nauna na nga rito ay ang Commission on Human Rights na ipinagigiitan niyang igalang niya ang karapatang pantao ng mga pinagsususpetsahang sangkot sa ilegal na droga. Ang Saligang Batas mismo ang nag-aatas sa estado na pahalagahan ang buhay. Kaya ngayon naman ang tumututol na sa mga nangyayaring pagpatay ay si Bishop Capalla ng Davao.

“Makinig ka sa sambayanan,” wika niya kay Pangulong Digong. Nababahala na siya sa umiiral na kultura ng karahasan.

Totoo, 76 porsiyento ang... (Ric Valmonte)