BAKIT kaya umiiwas si Ejay Falcon sa girlfriend na naglalambing sa kanya nang malaman niya na may reporters na napatingin sa kanila noong Miyerkules ng gabi sa Robinson’s Magnolia?

Sigurado kaming imo-monitor ni Ejay ang tabloids dahil alam niyang masusulat siya sa nakita namin ni Katotong Rohn Romulo na may kasama siyang maputing girl na medyo tsinita, nakamaong dress at white printed shirt, naka-shorts, white rubber shoes, at nakasuot ng baseball cap samantalang naka-black Adidas Superstar Pride Pack style naman ang aktor.

Wala kaming ideya na si Ejay pala ‘yung makakasalubong namin dahil sobrang tangkad niya at takip ang mukha sa suot niyang baseball cap din, ang kaso nagulat ang aktor at bahagyang tumigil sa paglalakad nang makita kami ni Katotong Rohn at isa pang kasama namin.

Nakita naming dumiretso si Ejay at ang kasamang girl sa mga kaibigang naghihintay sa may tabi ng Taters (snack bar) at kung hindi kami nagkakamali ay konektado rin sa showbiz ‘yung ibang kasama na hindi lang namin alam ang mga pangalan.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Ingat na ingat si Ejay sa mga kilos niya at ayaw niyang dumidikit sa kanya ang kasamang babae.

Mukhang pareho kami ng pinanood na pelikula, ang The Girl on the Train ni Emily Blunt dahil nakita namin sila nang palabas na sila at habang nakaupo pa kami.

Nasalubong pa namin si Ejay habang palabas siya at papasok naman kami ng comfort room at alam naming nakatingin siya sa amin nang patagilid.

Dahil siguro nakampante si Ejay na nasa loob kami ng banyo ay libre na siyang kumilos at nakita ng mga kasama namin na sumandal sa dibdib niya ang kasamang girl at nang makita kaming lumabas ay bigla silang naghiwalay.

Nakakatawa lang ang mga eksena, parang pelikula o serye na nagtataguan. Nakakapagtaka lang kung bakit kailangang itago ni Ejay na may girlfriend siya. Base sa pagkakaalam namin ay single naman siya, at siguro naman ay wala ring sabit ang girl.

O baka sasabihin na naman ni Ejay na kaibigan lang niya ito at prayoridad niya ang career niya? (Reggee Bonoan)