MAY mga kaso na rin daw ng Zika sa Pilipinas. Sa Singapore, mahigit na sa 300 ang naitalang kaso ng Zika. Habang sinusulat ko ito, may bagong tatlong kaso ng Zika ang iniulat ng Department of Health (DoH). Ano ba ang Zika? Ang Zika virus ay isang kondisyon na ang ulo ng isang sanggol ay mas maliit kaysa normal na laki nito, kung tawagin ito ay microcephaly. Hindi ba’t may sakit na kung tawagin ay hydrocephalus, na malaki naman ang ulo sa pangkaraniwang sukat at laki?

Samakatuwid, may 12 kaso na ng Zika ngayon sa bansa. Ayon kay DoH Sec. Paulyn Ubial, ang huling Zika ay natagpuan sa Cebu City, isang 22-anyos na babae na 19 na linggo nang buntis sa una niyang anak. Gayunman, sinab ni Ubial na walang nakitang “any fetal abnormalities” nang isailalalim sa ultrasound ang babae, partikular sa kanyang central nervous system. Ang dalawang bagong kaso ay mula sa Iloilo.

Malaki na ang populasyon ng ‘Pinas, may 102 milyon na ngayon. May panawagan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kung maaari ay limitahan sa 3 anak ang gawin ng mag-asawa. Isinusulong din ni Mano Digong ang ganap na paggamit ng contraceptives para sa mga babae upang maiwasan ang pagbubuntis.

Pero Mano Digong, nagrereklamo ang kababaihan kung bakit sila lang daw ang napagtutuunan ng pansin. Bakit daw hindi naman ang kalalakihan ang himukin o piliting magpraktis ng reproductive health program, halimbawa’y ang vasectomy sa kanila upang kahit ilang beses magtalik ang mag-asawa ay walang peligrong mabubuntis ang kanilang misis. Hoy, babae at lalaki, pigilan na muna ninyo ang “panggigigil” lalo na ngayong lumalamig ang panahon sa ating bansa upang maiwasan ang Zika virus at pagkakaroon ng anak na maliit ang ulo.

Walang tutol si PRRD na humarap sa imbestigasyon ng United Nations, United States at European Union tungkol sa mga alegasyon ng summary execution o illegal na pagpatay sa mga drug suspect kaugnay sa giyera ng Pangulo sa bawal na gamot. Gayunman, nagbigay ng kondisyon si President Rody na kailangang tumalima ang UN, US at EU sa mga “proseso ng aking hurisdiksiyon.” Ibig sabihin, tatanungin din niya ang mga imbestigador para patas ang labanan.

“I am willing--any and all questions. I will answer them, ipadala mo na iyong mga EU na bright, mga bobo, iyong mga p**i**ina ito, maniwala kayo dyan”, maanghang na pahayag ni Pangulong Duterte. Sinabi niya na noong siya pa ang Davao City mayor, siya ay inimbestigahan na ni UN rapporteur Philip Aston hinggil sa mga pagpatay sa lungsod. Hindi naman daw siya kinasuhan. Ngayong siya na ang presidente, hindi niya hahayaang hiyain ng mga dayuhan ang Pilipinas. Iginiit niya na higit na mas mahalaga kaysa international laws ang mga batas ng bansa kaya hindi siya dapat papanagutin sa mga batas ng ibang mga bansa.

Samantala, nailathala sa Balita ang pakiusap ni Sen. Leila de Lima na tantanan na siya ng machong presidente. May pamagat na “God forgive you, Mr. President—Leila”, sinabi ng senador na labis na ang paglapastangan ng pangulo sa kanyang pagkatao at pagkababae. Ayon kay Sen. Leila, si Duterte na yata ang “lowest and vilest man” sa bansa. Masyado raw bastos si Mano Digong. Bahala na ang bayan na magpasiya at humatol sa sagutan-labanang ito ng isang pangulo at isang senadora! (Bert de Guzman)