HANOI — Upang hindi na lumala pa ang territorial conflict sa China, plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin na ang taunang military exercise ng Pilipinas at Estados Unidos.
“You are scheduled to hold war games again, which China does not want. I would serve notice to you now that this will be the last military exercise. Jointly, Philippines - US, the last one,” ayon kay Duterte nitong Miyerkules ng gabi.
“I’m serving notice now to the Americans and to those who are allies: I will maintain the military alliance because there is an RP-US pact which our countries signed in the early ‘50s, but I will establish new alliances for trade and commerce,” dagdag pa ng Pangulo.
Tinutukoy ng Pangulo ang Mutual Defense Treaty na nilagdaan ng Pilipinas at United States noong 1951. Sa kasunduan, magtutulungan ang dalawang bansa sakaling isa sa kanila ay inaatake.
Samantala nakatakda ang joint naval exercise ng dalawang bansa sa Luzon sa susunod na buwan.
Gabinete, sumangga
Dalawang miyembro naman ng Gabinete ang mabilis na sumangga sa pahayag ng Pangulo.
“Ang pagkaintindi ko, it’s the last for the year. We will clarify,” ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., kung saan pag-aalis lang naman umano ng militar malapit sa pinag-aawayang lugar sa South China Sea ang sinasabi umano ng Pangulo.
Sa panig naman ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., hindi naman pagwawakas sa joint military exercise ang sinasabi ng Pangulo.
“What he said was that, as he said before, there will be no joint patrols with a grey ship of any nation in the South China Sea because that would be a provocative act,” ani Yasay.
‘Di pa namin alam---US
Hindi pa rin umano nakakatanggap ng opisyal na komunikasyon ang Estados Unidos hinggil dito.
“We’re not aware of any such decision,” ayon kay State Department Spokesperson John Kirby sa press briefing sa Washington.
Samantala sinabi ni Kirby na malawak ang relasyon ng Pilipinas sa U.S., at magpapatuloy umano ito, lalo na’t subok na ito sa loob ng 70 taon. (Genalyn Kabiling at Roy Mabesa)