Unti-unti nang naghahanda ng kanilang isasabak na mga kandidato ang oposisyon na hahamon sa asam na ikatlong sunod na termino sa pagkapangulo ni Jose “Peping” Cojuangco sa pribadong organisasyon na Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ang isiniwalat ng isang dating opisyal mula mismo sa POC na sinabing huwag siyang ipakilala sa isasagawa naman na kada apat na taon nitong eleksiyon sa Nobyembre 30.

“I believe na may oposisyon come the POC Election on November 30,” sabi lamang ng opisyal.

Una nang nagpahayag ng kanyang pagnanais sa ikatlong termino ang kasalukuyang pangulo ng POC at Equestrian Association of the Philippines (EAP) na si Jose “Peping” Cojuangco na minsan pa nitong ipinahayag sa pagdalo sa nakaraangTop Level Consultative Meeting at Set-up ng Philippine Sports Institute (PSI).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kasama ni Cojuangco Jr sa pamunuan ng POC si Triathlon Association (TRAP) president Tomas Carrasco Jr. bilang Chairman; Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. president Jose Romasanta na 1st Vice President; ang Soft Tennis president na si Antonio Tamayo Jr. bilang 2nd Vice President; Bowling president Stephen Hontiveros na Secretary General; Wushu secretary general Julian Camacho bilang Treasurer at Chess president Prospero Pichay Jr na siya namang Internal Auditor.

Ang Board members ay binubuo naman nina Gymnastics president Cynthia Carrion-Norton, Judo president David Carter, Sailing president Ernesto Echauz at Canoe-Kayak-Dragonboat president Jonne Go.

Sisimulan ang nominasyon para sa nagnanais na maging opisyales at maupo sa liderato ng pribadong organisasyon sa sports na Philippine Olympic Committee (POC) sa Oktubre 15 hanggang 30.

Ang POC ay may kabuuang 40 miyembro na national sports association (NSA’s) na siya lamang may karapatang bumoto. May anim itong associate member at pitong recognized ang POC bagamat wala itong boto. (Angie Oredo)