Pinosasan ng mga nagpapatrulyang pulis ang isang lalaki matapos biktimahin ang isang dalagita at agawan ng cell phone sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Naghihimas na ng rehas ang suspek na si Eruel Pacia, alyas “Robin”, ng 2635 Lico Street, Tondo, Maynila at nahaharap sa kasong robbery snatching.

Si Pacia ay inaresto matapos umanong agawin ang cell phone ni Kimberly Flaviano, 13, estudyante, at residente ng Sta. Cruz, Manila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Rowena Albano, ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nabatid na papauwi na mula sa eskuwelahan ang biktima nang bigla na lang umanong hablutin ng suspek ang kanyang cellphone.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at hinabol ang suspek habang sumisigaw ng “Snatcher… snatcher!” na siyang nakatawag-pansin sa mga tao at kina PO1 Jude PO1 Thaddeus Taylo, PO1 Victor Reyes at PO1 Jourdan Gabriel Asistion, ng Station Intelligence Section ng MPD-Station 3, na nagkataong nagpapatrulya sa lugar, lulan sa kanilang motorsiklo.

Kaagad na rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (Mary Ann Santiago)