Lumantad kahapon sa pagdinig ng Senado ang isang aminadong miyembro ng Davao Death Squad (DDS) upang idiin si Pangulong Rodrigo Duterte at anak niyang si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na nasa likod ng umano’y pinakamalalagim na pamamaslang sa Davao City.

Tumestigo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee on justice and human rights ni Senator Leila de Lima sa mga extra judicial killings, sinabi ni Edgar Matobato, 57, dating miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), na ipinag-utos ni noon ay Mayor Rodrigo Duterte ang pagpatay sa mga Muslim na hinihinalang sangkot sa pambobomba sa Davao Cathedral Church noong 1993.

Ayon kay Matobato, mismong si Digong ang nag-recruit sa kanya para maging “Lambada boys,” na noon ay may pitong miyembro.

“Our job was to kill criminals, like drug pushers, rapists, snatchers. That’s the kind of people what we kill every day,” sinabi ni Matobato sa harap ng mga senador.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kalaunan ay naging DDS sila—isang grupo na matagal nang pinaniniwalaang responsable sa mga summary killings sa Davao City at tinangkang imbestigahan ni De Lima, dating Commission on Human Rights Chief (CHR) at dating Justice secretary. Sinabi ni Matobato na dumami ang mga miyembro ng DDS noong 1993, na karamihan ay mga dating rebelde at pulis, at mga dating tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

AMBUSH TRY KAY DE LIMA

Inamin din ni Matobato na minsan na ring iniutos ni Digong sa DDS ang pag-ambush kay De Lima, na noon ay CHR chief, Commissioner De Lima, nang magtungo ang huli sa quarry site ng dating pulis na si Bienvenido Laud sa Barangay Ma-a, Davao City sa paghahanap sa mass grave ng mga biktima ng DDS noong Hulyo 2009.

Itinanggi naman ito ni Davao City Police Office chief Senior Supt. Michael Dubria, sinabing ang sinasabing quarry site na pinaniniwalaang mass grave ay guwardyado ng mga tauhan ng Regional Police Safety Battalion at Police Regional Office (PRO)-11.

“I refute that statement, who would ambush them, they secured the area themselves, nobody can enter during the investigation. I do not believe that statement is true,” ani Dubria. “I think that mass grave where they conducted diggings, none were found, no victims, no bones.”

Si De Lima ang nagprisinta kay Matobato sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa sunud-sunod na pagpatay sa bansa.

Dagdag pa ni Matobato, ang DDS din ang inatasan ni Digong sa pagpatay sa apat na tagasuporta ni dating House Speaker Prospero Nograles, matinding karibal sa pulitika ng mga Duterte sa Davao, noong 2010.

Si Pangulong Duterte rin, ayon kay Matobato, ang nag-utos na patayin ang kritikal ditong radio broadcaster na si Jun Pala noong 2003; gayundin kay Jun Barsabal, miyembro ng isang relihiyosong grupo, “for squatting lands”.

LIKE FATHER, LIKE SON?

Ayon pa kay Matobato, bukod kay Digong ay sangkot din sa mga pagpatay si Vice Mayor Paolo Duterte, kabilang na sa bilyonaryong si Richard King, na ipinapatay umano ng bise alkalde noong 2014. Aniya, away sa babae ang dahilan ng pagpapapatay kay King.

Sinabing nagpapatay ng dalawang iba pa, binanggit din ni Matobato na hindi nagtutulak kundi gumagamit lang ng droga si Paolo.

Mariin namang itinanggi ni Paolo ang akusasyon ni Matobato: “What de Lima and this certain Matobato say in public are bare allegations in the absence of proof. They are mere hearsay. I will not dignify with an answer the accusations of a mad man.”

Matatandaang nagnegatibo ang bise alkalde nang sumailalim sa drug test kamakailan.

KASINUNGALINGAN!

Samantala, tinawag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pawang kasinungalingan ang mga testimonya ni Matobato, na dating nasa Witness Protection Program (WPP) ng kagawaran kaya imposible, aniya, ang sinabi nito na wala itong statement o affidavit sa DoJ.

Kinuwestyon din ng kalihim kung bakit walang mailabas na affidavit si Matobato sa Senado, at tinawag niyang “scripted” ang testimonya nito.

“The statement of witness Edgar Matobato today before the Senate Committee on Justice Hearing on Extrajudicial Killings are lies and fabrications,” saad sa pahayag ni Aguirre. “It can only be the product of a fertile and a coached imagination.”

Aniya, may kinalaman si De Lima sa paglantad ni Matobato, sinabing CHR chief pa ang una nang simulan nito ang imbestigasyon laban sa DDS ngunit “why was it that there was no case filed against Mayor Duterte?”

“This is a futile attempt to divert the public’s attention against the parties who are responsible for drugs in the BuCor (Bureau of Corrections). Deperate times call for desperate measures and somebody is really desperate,” ani Aguirre.

Samantala, bagamat nanindigang hindi dapat ipagwalang-bahala ang testimonya ni Matobato dahil pangulo ng bansa ang idinidiin nito, naniniwala si De Lima na kailangan pa ang masusing beripikasyon sa mga inilahad ng testigo.

Iginiit naman ni Senator Alan Peter Cayetano na ang paglutang ni Matobato ay pakana ng Liberal Party (LP), bagay na itinanggi naman ng mga miyembro ng partido.

DUMEPENSA

Kaugnay nito, nanawagan naman ang Malacañang sa publiko na huwag paniwalaan ang nasabing testimonya ni Matobato dahil hindi umano magagawa ni Pangulong Duterte ang pag-uutos ng pagpatay.

“I don’t think the President is capable of doing a directive like that,” ani Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

“’Di ba inimbestigahan na noon ‘yan ng CHR…nung mayor pa si Pangulo. Wala namang charge, wala naman silang nakitang direktang ebidensya.”

Hinimok naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang publiko na panatilihin ang “sense of sobriety, maintain a sense of objectivity.”

May ulat nina

(Beth Camia, Antonio Colina IV at Yas Ocampo) (HANNAH TORREGOZA, LEONEL ABASOLA, JEFF DAMICOG at GENALYN KABILING)