Sa pagkamatay nauwi ang pakikipagbarilan ng isang drug user sa mga pulis na nakatakdang umaresto sa kanya nang mahuli siya sa aktong bumabatak ng shabu sa isang compound sa Makati City, nitong Martes ng hapon.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Manuel Manalac, alyas “Tikboy”, nasa hustong gulang, residente ng Maynila.

Sa ulat na natanggap ni Makati City Police chief Sr. Supt. Rommil Mitra, dakong 4:45 ng hapon nauwi sa engkuwentro ang isinagawang anti-illegal drug operation ng mga tauhan ng Intelligence Unit sa Laperal Compound, Bernardino Street, Barangay Guadalupe Viejo.

Unang nakatanggap ng impormasyon ang awtoridad na talamak ang bentahan ng droga at pinagkukutaan ng masasamang loob ang naturang lugar dahilan upang agad ikasa ang operasyon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagdating sa lugar, nadatnan umano ng mga pulis si Manalac na abala sa pagsinghot ng shabu at nang siya’y aarestuhin na ay bigla na lamang umanong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang mga awtoridad na pagbabarilin si Manalac.

Narekober sa bulsa ng suspek ang isang pakete ng shabu. (Bella Gamotea)