Nabunyag kahapon sa Kamara na mahigit sa P94 bilyong halaga ng kagamitan sa mga ospital ang umano’y inaalikabok at nabubulok lang sa mga bodega nito.
Humarap si Health Secretary Paulyn Jean Rossel Ubial sa House Committee on Appropriations, upang makiusap sa mga kongresista na ibigay sa Department of Health (DoH) ang P11 bilyong pondo na pambili ng mga kagamitan sa ospital sa ilalim ng health facility enhancement program ngayong 2017.
Gayunman, kinuwestiyon ito ni Iloilo Rep. Ferjenel Biron, gayundin ang P10 bilyon para sa konstruksyon ng bagong pasilidad.
Sinabi ni Biron na bukod sa hindi pa matukoy ng ahensya ang mga bibilhing kagamitan, dapat magsumite muna ito ng imbentaryo ng nabanggit na mga kagamitan katulad ng MRI, X-Ray, ultrasound, imaging machines at iba na inaalikabok at nabubulok umano sa bodega ng DoH.
“Imbentaryuhin n’yo muna ‘yung mga equipment diyan na inaalikabok at nabubulok na sa mga bodega ninyo na anim na taong nakatambak na hindi naman nagagamit,” pahayag ng Iloilo solon. (Bert de Guzman)