KIDAPAWAN CITY – Isang hinihinalang nagsasagawa ng pambobomba ang naaresto ng magkasanib na puwersa ng pulisya at militar sa pagpapatupad ng search warrant sa Mlang, North Cotabato nitong Martes ng hapon, iniulat ng North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO) kahapon.

Ayon sa report ni acting director Senior Supt. Emmanuel Peralta, nakumpiska rin sa operasyon, dakong 4:00 ng hapon, ang ilang gamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED) at isang granada mula sa sinalakay na bahay ng mga pangunahing suspek sa Purok 6, Barangay Dunguan, Mlang.

Bagamat nakatakas ang mga pangunahing pakay ng search warrant na sina Anwar at Guiamadel Sandingan, naaresto naman ng mga awtoridad si Jokrie Andong Buisan, taga-Bgy. Inas, Mlang, na noon ay armado ng granada.

Batay sa report, narekober sa bahay ng mga Sandingan ang iba’t ibang gamit sa paggawa ng pampasabog, gaya ng maraming blasting cap, mga detonating cord, tatlong cell phone, mga battery, isang soldering gun, isang electrical tester, at iba pa.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang raid ay bahagi ng pagtugis ng awtoridad sa mga suspek sa pambobomba sa Davao City night market nitong Biyernes, na ikinasawi ng 15 katao.

Martes ng gabi naman nang madiskubre ang tatlong malalakas na uri ng IED sa gilid ng Maguindanao-Cotabato Highway sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao.

Mabilis na nirespondehan ng mga sundalo, pulis at mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team ng Philippine Army, matagumpay na nailayo ang bomba na gawa sa tatlong bala ng 60mm mortar, may 9 volts battery, wirings at nakakabitan ng cell phone bilang triggering mechanism.

na inilagay sa gilid ng kalsada sa Brgy.Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon kay Col. Earl Baliao, commander ng 603rd Brigade, dakong 6:45 ng gabi nang matagpuan ang bomba sa gilid ng kalsada sa Bgy. Rebuken, at nagawang pasabugin ng EOD dakong 8:15 ng gabi.

Gayunman, isang bomba ang sumabog sa gilid ng kalsada sa Bgy. Lower Salbu sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Nasugatan ang sundalong si Sgt. Ricor Bati-on. (ALI MACABALANG at FER TABOY)