Torre, nakasalba ng draw; Pinoy woodpusher kumikig.

Nakatanaw na sa kabiguan ang mga miron, ngunit hindi ang isang beteranong tulad ni Grandmaster Eugene Torre.

Nagawang maisalba ni Torre ang dominanteng laro ng karibal na si GM Bernal Gonzalez Acosta sa impresibong rook-and-pawn move sa ika-64 sulong ng Slav opening para makihati ng puntos sa Board 3 at tulungan ang Philippine men’s team sa 3 ½- ½ panalo kontra Costa Rica sa ikaapat na round ng 42nd World Chess Olympiad Lunes ng gabi (Martes sa Manila) sa Baku, Azerbaijan.

"Eugene has been the team's life saver," pahayag ni GM Jayson Gonzales, National Chess Federation of the Philippines executive director at isa sa dalawang team captain ng koponan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bunsod ng panalo, umangat ang Pinoy sa ika-14 na puwesto.

Napagwagian nina GM John Paul Gomez (2492), GM Rogelio Barcenilla (2455), at International Master Paolo Bersamina (2408) ang kani-kanilang laro.

Tinalo ni Gomez si IM Sergio Minero Pineda (2391) habang binigo ni Barcenilla si IM Leonardo Valdes Romero (2387). Naungusan naman ni Bersamina si IM Alexis Murillo Tsijli (2272).

Hawak ng Pinoy ang anim na match point at malaki ang tsansa na makatuntong sa top 10 sakaling magwagi sa sunod na makakatapat na 79th seed South Africans sa ikalimang round.

Inaasahan na muling ipaparada ng koponan sina Gomez-Torre-Barcenilla at Bersamina, habang pinapahinga ang No.1 nito na si Julio Catalino Sadorra, na isang beses pa lamang naglaro at natapos sa draw.

Kinulang naman ang PH women’s team na maitakas ang panalo matapos mabigo si Jan Jodilyn Fronda kay WIM Yuan Yuanling sa Board 2 upang maipuwersa ng Canada ang 2-2 draw.

Ang alternate at rookie Woman FIDE Master na si Shania Mae Mendoza ay nagpamalas naman ng magandang laro sa kanyang unang pagsabak sa Olympiad matapos talunin ang World Candidate Master na si Maili-Jade Ouellet sa Board 4, habang nakipaghatian lamang ng puntos sina WIM Janelle Mae Frayna at Catherine Secopito kontra kina FM Zhou Qiyu at Lali Agbabishvili sa Board 1 at Board 3.

Nahulog ang women’s team sa Top 30 bitbit ang limang match point at sunod na makakasagupa ang Algeria.