Tadtad ng bala ang katawan ng isang nadismis na pulis makaraang makipagbarilan sa dati niyang mga kabaro, matapos niyang patayin ang isang kilabot na drug pusher sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot si PO3 Manding Elpidio, 38, dating pulis-Caloocan, naninirahan sa Macapagal Street, Villa San Jose Subdivision, Barangay Grace Ville, San Jose Del Monte City, Bulacan.

Bago ang pagkakapatay kay Elpidio, binaril umano niya ang sinasabing drug pusher na si Restituto Romero, Jr., 44, ng San Vicente Street, Bgy. 176, Camarin, Caloocan City, dakong 10:00 ng gabi.

Nagresponde ang grupo ni Supt. Reydante Ariza, hepe ng Caloocan North Police, at nadatnan pa nila ang bangkay ni Romero.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Hinabol ng mga awtoridad si Elpidio na sakay sa motorsiklong walang plaka na sinundan ng halos dalawang minutong barilan hanggang tumimbuwang ang dating parak.

Nakuha sa suspek ang kanyang police identification card (ID), isang .45 caliber pistol, at listahan ng mga napatay na drug pusher sa Caloocan City.

Nabatid na nadismis sa pagkapulis si Elpidio noong nakaraang taon matapos masangkot sa gun-for-hire at illegal drug activities. (ORLY L. BARCALA)